Tuklasin ang sikat na mga panda sa Adventure World at kung paano bumili ng tiket

B! LINE

Ang Nanki Shirahama Adventure World sa Wakayama Prefecture ay isang tanyag na theme park na sumikat noong 2020 matapos ipanganak ang higanteng panda na si Fuhin. Matatagpuan ito malapit sa Shirahama Airport at nahahati sa tatlong pangunahing bahagi: ang Marine World, kung saan matutunghayan ang kamangha-manghang dolphin shows at iba pang hayop-dagat; ang Safari World, kung saan maaaring makita nang malapitan ang mga hayop sa lupa habang sakay ng sasakyan; at ang Amusement Park na may mga roller coaster, Ferris wheel, at iba pang atraksyon para sa buong pamilya. Kilala bilang isa sa mga pangunahing tourist spots sa Wakayama, ang Nanki Shirahama Adventure World ay nagbibigay-saya para sa lahat—mula sa mga bata hanggang sa matatanda. Sa artikulong ito, ipakikilala namin ang mga paboritong panda ng parke at magbibigay ng mahahalagang impormasyon sa mga tiket para sa mas magandang plano ng inyong pagbisita.

1. Ano ang Adventure World?

Ang Adventure World ay isang kilalang theme park na matatagpuan malapit sa Nanki-Shirahama Airport sa Wakayama, Japan. Nahahati ito sa tatlong pangunahing bahagi: Marine World, Safari World, at Animal Interaction & Play Zone.
Sa Marine World, makikita ang iba’t ibang hayop-dagat, habang sa Safari World naman ay matatagpuan ang mga hayop sa lupa mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang Animal Interaction & Play Zone ay may mga maluluwag na lugar kung saan puwedeng hawakan at pakainin ang mga hayop, at mayroon ding amusement park na may Ferris wheel, roller coaster, at iba pang rides para sa buong pamilya.
Isa sa mga kakaibang atraksyon ng Adventure World ay ang pagkakataong makalapit mismo sa mga hayop—hindi lang mula sa likod ng salamin o pader—kaya’t tiyak na magiging espesyal at hindi malilimutan ang iyong karanasan.

https://maps.google.com/maps?ll=33.667999,135.376207&z=14&t=m&hl=ja&gl=JP&mapclient=embed&cid=440105867315863199

2. Mga Giant Panda sa Adventure World

Ang Adventure World ay isa sa pinakasikat na theme park sa Japan kung saan pwede mong makita at makasalamuha ang mga giant panda. Sa buong Japan, tatlong lugar lamang ang may ganitong pambihirang karanasan, at kabilang dito ang Adventure World. Dati itong tahanan ng pinakamalaking pamilya ng panda sa Japan. Noong Pebrero 2023, bumalik sa China ang ama na si Eimei at ang kambal na babae na sina Ouhin at Touhin na ipinanganak noong 2014.
Sa kasalukuyan, apat na panda ang maaari mong makita: sina Rauhin, Yuihin, Saihin, at Fuhin na ipinanganak noong 2020. Nag-aalok din ang parke ng espesyal na panda encounter tour at mga educational tour upang mas makilala at maintindihan ang kahalagahan ng mga panda sa kalikasan. Isang magandang destinasyon ito para sa mga panda lovers at pamilyang naghahanap ng kakaibang wildlife adventure.

3. Paraan ng Pagbili ng Tiket sa Adventure World

Maaaring bumili ng tiket sa Adventure World online sa opisyal na ticket store simula unang bahagi ng buwan bago ang iyong planong pagbisita.

4. Marine World

Ang Marine World ay isang atraksyong dapat bisitahin kung nais mong makita ang iba’t ibang hayop sa dagat tulad ng mga penguin, polar bear, dolphin, at balyena. Isa sa mga pangunahing tampok nito ay ang “Marine Live” show kung saan nagpapakita ang mga dolphin at balyena ng kamangha-manghang palabas at synchronized na paglangoy. Mayroon ding espesyal na viewing deck kung saan makikita mo nang malapitan ang mga dolphin na eleganteng lumalangoy—perpekto para sa pagkuha ng magagandang larawan.

Sa loob ng Sea Animal Pavilion, matatagpuan ang mga polar bear at penguin sa mga habitat na idinisenyo para sa kanilang kaligtasan at kaligayahan. Ang tunay na kagandahan ng Marine World ay kung paano nito ipinapakita ang natural at masiglang kilos ng mga hayop sa dagat, na siguradong mag-iiwan ng hindi malilimutang alaala.

5. Safari World

Ang Safari World ay nag-aalok ng kapanapanabik na wildlife adventure kung saan maaari mong makita ang mga hayop na kumakain ng damo tulad ng zebra at giraffe, at mga mababangis na predator gaya ng cheetah at leon. Maaari mong tuklasin ang buong parke sakay ng isang tren na parang safari vehicle, mag bisikleta sa mga itinakdang daan, o sumakay sa jeep para sa mas malapit na karanasan.
Kung mas gusto mo ng mabagal at relaks na pagbisita, mayroong walking tour na mainam para sa mga pamilya na may kasamang bata sa stroller. Para sa isang di malilimutang karanasan, subukan ang bayad na feeding tour kung saan maaari kang makalapit at makapagpakain sa mga hayop na bihirang makita nang ganito kalapit, kabilang ang leon, giraffe, rhino, at elepante. Isang pambihirang pagkakataon para sa mga mahilig sa wildlife at potograpiya.

6. Play Zone

Ang Play Zone ay isang masayang amusement park area para sa mga bata at matatanda, na may mga atraksyon tulad ng Ferris wheel at nakakakilig na roller coaster. Mula sa Ferris wheel, matatanaw mo ang buong Adventure World, habang ang roller coaster ay siguradong magbibigay ng matinding excitement.
Bukod dito, mayroon pang humigit-kumulang 17 iba’t ibang atraksyon, kabilang ang mga kart at merry-go-round na akma para sa maliliit na bata, at Kids Park na pwedeng pasyalan kahit ng sanggol na 0 taong gulang. Mayroon ding mga indoor attractions kaya’t masisiyahan ka anuman ang panahon.

7. Animal Encounter & Play Zone

Sa Animal Encounter & Play Zone, matatagpuan ang mga sikat na lugar tulad ng “Fureai Plaza” at “Fureai no Sato” kung saan pwede mong haplusin at makipaglaro sa mga hayop tulad ng guinea pig at kuneho. Maaari ka ring magpakain ng hippo o sumali sa tour para tulungan sa paglalakad ng capybara.
Mayroon ding “Wanwan Garden” kung saan pwede kang makipaglaro at maglakad-lakad kasama ang mga aso. Para sa mga batang natatakot o unang beses pa lang hahawak ng hayop, inirerekomenda ang “Fureai no Sato” kung saan maaari nilang makilala ang maliliit na hayop tulad ng otter. Hawak ng mga caretaker ang mga hayop habang nakikipag-interact, kaya’t ligtas at komportableng mae-enjoy ito ng mga bata.

8. Mga Café at Restawran

Sa Adventure World, makakaranas ka ng masarap at iba’t ibang pagkain mula sa walong café at restawran na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng parke, kasama ang ilang mga tindahang pang-takeout lamang. Puwedeng subukan ang safari-themed restaurant, kainan ng sariwang pagkaing-dagat mula sa Wakayama, at mga heavy meals gaya ng hamburger steak, Japanese curry, seafood rice bowl, at soba noodles. Para naman sa magagaan na pagkain, mayroon ding sandwiches, waffles, at ice cream na perpekto para sa mabilisang merienda.
Mayroon ding mga pagkaing hindi lang masarap, kundi Instagram-worthy pa — gaya ng panda o giraffe-inspired plates. Para sa mga pamilya na may maliliit na bata, mainam ang Smile Kitchen dahil may kasamang kids’ play area at baby care room para sa komportableng kainan.
Para sa mga mahilig sa takeout, may mga kakaibang themed food stalls tulad ng lion-themed pizza shop, hippo-themed burger stand na may espesyal na buns, at bakery na may panda-shaped na siopao — swak para sa mga mahilig sa kyut na pagkain.

9. Mga Shop at Rekomendadong Pasalubong

Hindi lang pagkain ang bida sa Adventure World — mayroon din itong pitong tindahan na nag-aalok ng mga produktong may disenyo ng mga hayop mula sa Marine World at Safari World. Pinakasikat ang mga giant panda merchandise, at may espesyal na shop pa para dito na tinatawag na Panda Wagon. Sa tindahan na Island sa Marine Mammal House, maaari ka ring gumawa at magdala ng sarili mong stuffed toy, na siguradong magiging magandang alaala.
Para sa pasalubong, lubos na inirerekomenda ang Kagerou — isang matamis na biskwit na malutong at fluffy na may buttercream filling — at ang Panda Umeboshi (pickled plum) na may iba’t ibang lasa at naka-indibidwal na pack sa kyut na panda wrapper, kaya perpekto pang-regalo.

10. Paraan ng Pagpunta at Paradahan sa Adventure World

Kung bibiyahe ka papuntang Adventure World gamit ang tren, pinakamainam na ruta ang Kisei Main Line Limited Express at bumaba sa JR Shirahama Station. Mula roon, sumakay ng lokal na bus at sa loob lamang ng humigit-kumulang 10 minuto, nasa Adventure World ka na. May espesyal ding kolaborasyon ang JR West at Adventure World—kung susuwertehin ka, maaari kang makasakay sa panda-themed na “Kuroshio” Limited Express, na tiyak magdadagdag saya sa iyong biyahe.
Kung magmamaneho ka naman, bumaba sa Nanki-Shirahama Interchange at makakarating ka sa Adventure World sa loob ng halos 15 minuto. Kapag mula ka sa Nanki-Tanabe Interchange, aabutin ito ng mga 30 minuto. May maluwang na lugar ng paradahan o parking area at dahil flat rate ang bayad sa paradahan kada araw, maaari mong sulitin ang iyong oras sa loob nang walang iniintinding dagdag na gastos.