Higit pa sa Skiing: 7 Pinakamagagandang Pasyalan sa Myoko Kogen

B! LINE

Matatagpuan sa Prepektura ng Niigata, ang Myoko Kogen ay kilalang destinasyon para sa mga turista, lalo na sa mga world-class na ski resort nito. Bukod sa skiing, maraming atraksyon ang pwedeng tuklasin dito gaya ng magagandang hiking trails, nakaka-relaks na hot springs, at mga marangyang hotel resorts. Isa rin sa mga patok na gawain ay ang pagsakay sa cable cars at gondolas upang masilayan ang kahanga-hangang tanawin, lalo na tuwing panahon ng autumn foliage. Hindi lamang mga umaakyat ng bundok ang bumibisita dito—pati na rin ang mga pamilya at mga naghahanap ng lugar para magpahinga.
Kamakailan, sumikat ang Myoko Kogen dahil sa napakagandang projection mapping illumination, kung saan pinagsama ang likas na ganda at makabagong visual art—isang kauna-unahan sa Japan. Para sa mga naghahanap ng adventure, ganda ng kalikasan, at kakaibang karanasan, ang Myoko Kogen ay siguradong magbibigay ng hindi malilimutang bakasyon. Narito ang ilang mga inirerekomendang lugar na dapat mong bisitahin sa Myoko Kogen.

1. Bundok Myoko (Myoko-san)

Ang Bundok Myoko, na may taas na 2,454 metro, ay isang napakagandang stratovolcano na nangingibabaw sa tanawin ng Myoko Kogen sa Japan. Ito ang pinakamataas sa tinaguriang “Limang Bundok ng Hokushin” at itinuturing na sagisag ng Myoko Highlands. Kilala rin bilang “Echigo Fuji” dahil sa hugis nitong kawangis ng Mount Fuji, kabilang ito sa 100 Pinakatanyag na Bundok sa Japan.
Taun-taon tuwing Hulyo 1, isinasagawa ang opisyal na pagbubukas ng bundok na hudyat ng simula ng hiking season. Mula tag-init hanggang taglagas, libu-libong hikers mula sa iba’t ibang panig ng Japan ang dumadayo upang maranasan ang mga kamangha-manghang tanawin at trail nito. May dalawang pangunahing ruta ng pag-akyat:

◆ Tsubame Trail Course

Nagsisimula sa Tsubame Onsen, ito ay isang “waterfall-hopping” trail na dumadaan sa mga tanawing tulad ng Sotaki Waterfall—isa sa 100 Pinakamagagandang Talon sa Japan—at Komyo Waterfall na matatagpuan sa matarik na bahagi ng Kita Jigokudani (North Hell Valley). Tinatayang 8 oras ang kabuuang lakaran pabalik at paharap, kaya angkop ito para sa mga may karanasang hiker.

◆ Akakura Trail Course

Ginagamit ang Myoko Kogen Sky Cable at dumadaan sa luntiang kagubatan ng mga puno ng beech at sa Minami Jigokudani Forest Road. Pinagsasama nito ang kahanga-hangang tanawin at kapanapanabik na karanasan sa pag-akyat. Tinatayang 7 oras ang kabuuang hiking time at angkop din ito para sa mga intermediate na hiker.
Kung naghahanap ka ng magagandang tanawin ng bundok, relaks na hot spring, at kasiyahan ng pag-akyat sa isang tanyag na bundok sa Japan, ang Bundok Myoko ay hindi dapat palampasin.

2. Suginohara Gondola

Ang Suginohara Gondola ay bukas lamang mula huling bahagi ng Setyembre hanggang unang bahagi ng Nobyembre, at isa ito sa pinakamagandang paraan para masaksihan ang kamangha-manghang tanawin ng taglagas sa Japan. Ang pinakamainam na panahon para sa makukulay na dahon ay mula kalagitnaan hanggang huling bahagi ng Oktubre, kung saan makikita mula sa gondola ang napakagandang tanawin ng pula, kahel, at gintong kulay ng mga dahon. Ang biyahe ay tumatagal ng humigit-kumulang 18 minuto, na may habang 3,074 metro papunta sa summit station.
Sa tuktok, matatagpuan ang Akakura-yama Southern Wetlands walking trail na perpekto para sa hiking at nature photography. Kapag maliwanag ang panahon, maaari mo pang masilayan ang napakagandang Mount Fuji.
Paano Pumunta: Mula sa Myoko-Kogen Station sa Echigo Tokimeki Railway Myoko Haneuma Line, sumakay ng bus sa loob ng 20 minuto. Kung sasakyan, 10 minuto lamang mula Myoko-Kogen IC sa Joshinetsu Expressway.

3. Myoko Kogen Sky Cable

Ang Myoko Kogen Sky Cable ay nagbibigay ng kamangha-manghang 11-minutong biyahe sa himpapawid na umaabot sa taas na 1,300 metro. Kapag malinaw ang panahon, matatanaw mo ang malawak na tanawin ng hanay ng bundok ng Shiga, Mt. Haneuma, at ang kumikislap na Lake Nojiri. Sa tuktok, puwede kang magpahinga sa mga hammock o umindayog sa mga swing habang tinatamasa ang tahimik at magandang tanawin ng kabundukan ng Japan. Pet-friendly ito at tumatanggap maging ng malalaking aso, kaya’t paborito rin ito ng mga umaakyat sa Mount Myoko.
Bukas ito mula kalagitnaan ng Hulyo hanggang unang bahagi ng Nobyembre bawat taon. Madaling puntahan sa pamamagitan ng 15-minutong biyahe mula sa Myoko Kogen Station ng Echigo Tokimeki Railway Myoko Haneuma Line, o 8 minuto mula sa Myoko Kogen IC sa Joshinetsu Expressway.

4. Naena Waterfall

Ang Naena Falls, na kabilang sa Top 100 Waterfalls in Japan, ay isang napakagandang talon na may taas na 55 metro sa ilog Sekigawa, na nasa hangganan ng Niigata at Nagano. Ang malakas na bagsak ng tubig nito ay lumilikha ng nakamamanghang ambon na siguradong hahanga ka.
Napapaligiran ito ng luntiang kalikasan at kilala bilang isang lugar na puno ng “negative ions” na nakakapagbigay ng ginhawa. Maganda itong bisitahin sa anumang panahon, ngunit lalo itong dinarayo tuwing autumn dahil sa makukulay na dahon at tuwing tagsibol kapag malakas ang agos mula sa natunaw na yelo. May maayos na mga daan para sa hiking, at mainam din itong puntahan sa tag-init bilang pampalamig mula sa init.

5. Imori Pond

Ang Imori Pond ay matatagpuan sa paanan mismo ng napakagandang Mount Myoko at isa sa pinakasikat na destinasyon ng mga turista sa Myoko Kogen. Kabilang ito sa National Park Class 1 Special Protection Area. Kilala ang lawa na ito sa nakamamanghang tanawin ng Mount Myoko, lalo na kapag malinaw na nakikita ang repleksyon ng bundok sa tubig—isang tanawin na pinupuntahan ng mga bisita sa buong taon.
Maari mong libutin ang paligid ng lawa sa loob lamang ng humigit-kumulang 15 minuto. Sa bawat panahon, makikita rito ang samu’t saring halaman at bulaklak, at maaari ring mag-enjoy sa birdwatching. Mula sa makukulay na bulaklak ng tagsibol, luntiang tanawin ng tag-init, mala-apoy na kulay ng taglagas, hanggang sa tahimik na kagandahan ng taglamig—iba’t ibang karanasan ang naghihintay sa Imori Pond.
Paano Pumunta: Mula Myoko-Kogen Station ng Echigo Tokimeki Railway Myoko Haneuma Line, sumakay ng bus sa loob ng 10 minuto. Kung magmamaneho, 5 minuto lamang mula sa Myoko-Kogen I.C. ng Joshinetsu Expressway.

6. APA Resort Joetsu Myoko

Matatagpuan sa gitna ng Myoko Kogen, ang APA Resort Joetsu Myoko ay kilala sa nakamamanghang tanawin ng Mt. Myoko at mga nakapaligid na bundok—perpekto para sa mga mahilig sa kalikasan. Dito, maaari kang mag-relaks sa onsen (hot springs) na may tanawing bundok, magpakasawa sa masasarap na gourmet na pagkain, at maglaro ng golf sa malawak nitong lugar. Bagama’t isa itong resort hotel, mabilis din itong sumisikat bilang isang patok na destinasyon ng turista sa Japan.

◆ APALLUSION

Pinakapinagmamalaki ng resort ang APALLUSION, isang high-tech na projection mapping event na ginaganap sa malawak na dating golf course. Pinagsasama nito ang makabagong teknolohiya at ang kahanga-hangang tanawin ng Myoko upang lumikha ng kakaibang palabas ng liwanag at tunog. Dito, masisilayan mo ang unang obra maestra ng nightscape sa Japan, sa pagitan ng Mt. Myoko at maliwanag na bituin sa kalangitan. Idinisenyo ito ng kilalang nightscape critic na si Motoo Marumaru, kaya siguradong sulit ang karanasan.

◆ Lovers’ Sanctuary

Sa loob ng resort ay may observation deck na opisyal na kinilala bilang kauna-unahang “Lovers’ Sanctuary” satellite spot sa Myoko–Joetsu area. Bukas ito buong araw mula unang bahagi ng Mayo hanggang huling bahagi ng Hunyo, at mula madaling araw hanggang tanghali tuwing Hulyo 1 hanggang Nobyembre 15. Isang perpektong lugar para sa mga magkasintahan na naghahanap ng romantikong tanawin ng kalikasan sa Myoko.

7. Myoko Ski Area

Ang Myoko Kogen ay kilala sa dami ng mga ski resort, kaya’t isa ito sa pinakasikat na destinasyon sa Japan para sa mga mahilig sa winter sports. Kung hilig mo ang skiing, snowboarding, o simpleng pagmasid sa kamangha-manghang tanawin ng niyebe, perpekto ito para sa iyo. Narito ang dalawang pinakamahusay na ski resort sa Myoko Ski Area.

◆ Myoko Suginohara Ski Resort

Pinapatakbo ng Prince Hotels, ang Myoko Suginohara Ski Resort ay isang tanyag na destinasyon na kilala sa pinakamahabang ski run sa Japan. May habang 8,500 metro at lapad na 300 metro, mainam ito para sa mga skier na may karanasan. Makikita rito ang mala-panorama na tanawin ng niyebe at malalawak na slope na nagbibigay-daan para sa masigla at dynamic na skiing.
Kung pupunta gamit ang sasakyan, tinatayang mga 10 minuto mula Myoko Kogen I.C. Samantala kung mag tren naman ay mula Joetsu-Myoko Station, sumakay ng Myoko Kogen Liner (humigit-kumulang 1 oras at 20 minuto).

◆ Akakura Onsen Ski Resort

Matatagpuan sa likas na dalisdis ng Mt. Myoko, ang Akakura Onsen Ski Resort ay may mahahabang cruising course na perpekto para sa tuloy-tuloy na skiing. Maraming bisita ang tumutuloy sa mga tradisyonal na resort hotel at nag-eenjoy ng ilang araw sa snow. Gamit ang 100% natural na nyebe, nag-aalok din ito ng night skiing para sa kakaibang karanasan.
Kung pupunta gamit ang sasakyan ay mga 8 minuto mula Myoko Kogen I.C. sa Joshinetsu Expressway. Ang paradahan ay libre, na may 1,300 na mga paradahan at may libreng shuttle bus na umiikot sa paligid.

◆ Ikenotaira Onsen Ski Resort

Ang Ikenotaira Onsen Ski Resort, na matatagpuan sa paanan ng Mt. Myoko sa Prepektura ng Niigata, ay isa sa mga kilalang destinasyon ng skiing sa Japan. Tanyag ito sa dalawang natatanging ski slopes na nag-aalok ng kombinasyon ng kapanapanabik na downhill runs at magagandang kurso na lubos na nakikinabang sa taas ng Mt. Myoko. Ang matitinding disenyo ng slope ay patok sa mga beteranong skier, habang ang mga kurso para sa baguhan at intermediate ay ginagawa itong paborito ng mga pamilya at biyahero mula sa iba’t ibang edad.
Madaling puntahan ang resort—mga 5 minuto lang sakay ng kotse mula sa Myoko-Kogen IC sa Joshinetsu Expressway. Mayroon itong libreng paradahan para sa hanggang 1,200 sasakyan, at may mga shuttle bus at lokal na ruta rin na pwedeng sakyan para mas maging maginhawa ang biyahe.

◎ Paraan ng Pagpunta sa Myoko Kogen

Mula Lungsod ng Niigata sakay ng kotse, dumaan sa Hokuriku Expressway papuntang Joetsu JCT (tinatayang 1.5 oras), pagkatapos ay magpatuloy sa Joetsu Expressway hanggang Myoko-Kogen IC (mga 30 minuto).
Kung tren naman, sumakay ng Limited Express Shirayuki mula Niigata Station papuntang Joetsu-Myoko Station sa loob ng humigit-kumulang 2 oras. Dahil sa Hokuriku Shinkansen, mas mabilis at madali na rin ang pagpunta mula Tokyo at iba pang bahagi ng Kanto. Ang pagbisita sa Myoko Kogen ay magdadala hindi lang ng mahusay na karanasan sa skiing kundi pati na rin ng magagandang tanawin at lokal na atraksyon na sulit tuklasin.