Ang bayan ng Sera sa Prepektura ng Hiroshima ay kilala bilang isang destinasyon kung saan maaaring masiyahan ang mga bisita sa mga bulaklak na namumukadkad sa bawat panahon. Sa tagsibol, namumukod-tangi ang mga shidare sakura, Somei Yoshino, at Yaezakura na nagsisilbing paboritong “hanami” spot hindi lang para sa mga turista kundi pati na rin sa mga lokal. Sa tag-init, nagsisimula ang kagandahan sa bango ng lavender, kasunod ang makukulay na hortensia at mga sunflower. Pagdating ng taglagas, sumasabog sa kulay ang mga taniman ng cosmos, dahlia, celosia, at salvia.
Bukod sa mga bulaklak, tanyag din ang Sera sa mga sariwang prutas. Nang mabuksan ang roadside station noong 2015, naging mas maginhawa para sa mga manlalakbay at dumami pa ang mga bisitang pumupunta rito. Malapit din ito sa Hiroshima Airport at mas naging accessible dahil sa pagbubukas ng libreng Onomichi Expressway, na kilala rin bilang “Chugoku Yamanami Kaido.” Para sa mga nais maranasan ang likas na ganda ng Hiroshima, ang Sera ay isang dapat bisitahin na destinasyon na puno ng kagandahan sa bawat panahon at tanawing probinsyal.
1. Sera Kogen Farm
Ang Sera Kogen Farm ay isa sa mga tanyag na destinasyon sa Hiroshima para sa mga mahilig sa bulaklak. Dito, maaaring masilayan ang kamangha-manghang tanawin ng mga bulaklak na nagbabago ayon sa panahon. Tuwing tagsibol, higit sa 700,000 tulips ang nagbibigay kulay sa buong taniman. Pagsapit ng tag-init, mahigit 1 milyong sunflower naman ang namumukadkad at pumapasilip sa mga turista. Sa buwan ng Oktubre, mahigit 25,000 dahlia mula sa 400 uri ang sabay-sabay na namumulaklak. Bukod dito, may iba’t ibang kaganapan tuwing panahon ng pamumulaklak kaya’t hindi lamang para sa mga mahilig sa halaman kundi para rin sa buong pamilya.
Maaari ring maranasan ang mga kakaibang aktibidad gaya ng pintura sa wind chime, photo exhibit tuwing taglagas, pati na rin ang mga restawran at flower café. Mayroon ding mga handmade windmills na tila ba nasa Netherlands ka. Dahil sa kakaibang tanawin kada panahon, ang Sera Kogen Farm ay isang dapat bisitahin na atraksyon sa Bayan ng Sera para sa mga nais magpakasawa sa ganda ng kalikasan.
Pangalan: Sera Kogen Farm
Lokasyon: 1124-11 Bessako, Sera-cho, Sera-gun, Prepektura ng Hiroshima, Japan
Opisyal na Website: http://sera.ne.jp/
2. Sera Lily Garden
Ang Sera Lily Garden ay kinikilalang pinakamalaking lily park sa Japan na may lawak na 70,000 square meters. Sa loob ng all-weather greenhouses na kilala bilang “Dream House” at “Rainbow House,” sasalubungin ka ng matamis na halimuyak ng mga lily na nagbibigay ng kasiyahan at ginhawa. Mula tagsibol hanggang taglagas, iba’t ibang klase ng lily ang maaaring masilayan na nagpapasigla sa buong tanawin.
Makikita rin dito ang iba pang makukulay na bulaklak, kabilang na ang tanyag na Viola Flower Mount Fuji, kung saan matatanaw mula sa tuktok ang kabuuan ng hardin. Isa sa mga tampok ay ang pinakamalaking viola flower art sa Japan, na taun-taong ina-update gamit ang imahe ng mga kilalang personalidad. Mayroon ding lily-picking experience na maaaring subukan tuwing tiyak na panahon.
Sa taglagas, napupuno ang lugar ng salvia, celosia, at cosmos, na nagdadala ng kakaibang ganda ng autumn. Maaari ring subukan ng mga bisita ang grape-picking at tikman ang sariwang gelato mula sa sariling workshop ng hardin. Dahil dito, ang Sera Lily Garden ay isang perpektong lugar para sa buong pamilya, bata man o matanda.
Pangalan: Sera Lily Garden
Lokasyon: 413 Kurobuchi, Sera-cho, Sera-gun, Prepektura ng Hiroshima, Japan
Opisyal na Website: http://www.serayurien.com/
3. Yume Suspension Bridge
Ang Yume Suspension Bridge (Yume Tsuribashi), na natapos noong 1996, ay isang tulay para sa mga naglalakad na may habang humigit-kumulang 173 metro na nakasabit sa ibabaw ng Hattabara Dam sa Hiroshima. Kilala ito sa pulang at puting kombinasyon ng kulay at maganda nitong silweta, ngunit ang pinakapansin-pansin ay ang disenyo nito kung saan mas mababa ang gitnang bahagi kaysa sa magkabilang dulo. Nakakakaba at kapanapanabik dahil mas malakas ang pag-uga sa magkabilang gilid kaysa sa gitna! Kapag niyugyog nang marahan sa gitna, mararamdaman ang banayad na pag-indayog nito.
Itinuturing na espesyal ang tulay na ito dahil ito ay kinilala ng Guinness World Records bilang pinakamahabang PC suspension slab bridge sa buong mundo (isang uri ng tulay kung saan nakasabit ang deck gamit ang PC steel cables mula sa tulay mismo). Ayon pa sa lokal na paniniwala, kapag tumawid ka rito habang may hiling, malaki ang posibilidad na ito’y matupad. Sa kabila ng tulay ay matatagpuan ang Bayan ng Moroke sa Lungsod ng Fuchu, Prepektura ng Hiroshima.
Pangalan: Yume Suspension Bridge
Lokasyon: Kotani, Sera-cho, Sera-gun, Prepektura ng Hiroshima
Opisyal na Website: https://www.pref.hiroshima.lg.jp/soshiki/97/yumetsuri-bridge.html
4. Roadside Station Sera
Binuksan noong 2015, ang Roadside Station Sera (Michi-no-Eki Sera) ay matatagpuan sa tabi ng National Route 432, malapit sa Sera IC ng Onomichi Expressway. Bagama’t mas maliit kaysa sa ibang mga roadside station, punô naman ito ng mga kakaibang produkto at karanasan. Dito, pwedeng bumili ng sariwa at bagong ani na gulay, eksklusibong Sera-blend coffee, bigas na binebenta kada timbang, at mga limitadong car-themed goods na dito lamang mabibili.
Bukod sa pamimili, masarap ding tikman ang mga pagkaing tanging sa Sera lang matatagpuan gaya ng Tomato Soft Cream at Sera Pear Soft Cream. Huwag ding palampasin ang mga espesyal na putahe tulad ng Hiroshima fried oysters at ang hamburger na may demi-glace sauce na gawa sa Sera wine. Isang perpektong lugar para magpahinga, mag-shopping, at malasahan ang tunay na sarap ng Hiroshima.
Pangalan: Roadside Station Sera
Lokasyon: 2402-1 Kawashiri, Sera-cho, Sera-gun, Prepektura ng Hiroshima
Opisyal na Website: http://seranan.jp/road-side-station/
5. Sera Winery & Sera Kenmin Park
Ang Sera Winery at Sera Kenmin Park, na kilala rin bilang Sera Yume Park, ay isang magandang pasyalan sa Hiroshima kung saan parehong bata at matatanda ay makakapag-relaks at mag-enjoy. Dinisenyo ang parke ayon sa natural na anyo ng lugar at may iba’t ibang tema na pwedeng pagdausan ng piknik, pamamasyal, at mga aktibidad gaya ng ground golf.
Ang pangunahing tampok dito ay ang Sera Winery, na nakikipag tulungan sa humigit-kumulang 30 lokal na magsasaka upang magtanim ng ubas at gumawa ng de-kalidad na alak. Maaari mong matikman ang iba’t ibang uri ng ubas gaya ng Honey Venus at Muscat Bailey A, na bihira at kakaiba ang lasa. Dahil may kanya-kanyang katangian ang bawat uri ng ubas, siguradong magiging masarap at natatangi ang bawat tikim.
Nag-aalok din ang winery ng custom-label wine para sa mga espesyal na okasyon—maaari kang gumawa ng sariling bote na may personal na disenyo at label, perpekto bilang regalo o pang-alaala. Mula puti, pula, hanggang rosé wines, pati matamis hanggang matapang (sweet to dry), napakaraming pagpipilian. Mayroon ding mga espesyal na kaganapan tulad ng Hiroshima Carp Victory Sale na nagbibigay dagdag-kasiyahan sa mga bumibisita.
Pangalan: Sera Winery & Sera Kenmin Park
Lokasyon: 518-1 Kurobuchi, Sera-cho, Sera-gun, Prepektura ng Hiroshima
Opisyal na Website: http://www.serawinery.jp/winery.html
◎ Buod
Ang Sera ay puno ng mga natatanging atraksyon at karanasang hindi mo mahahanap sa iba. Kasama rito ang taunang flower festival, masayang pamimitas ng prutas, at masasarap na kainan na gumagamit ng sariwa at lokal na sangkap. Kung galing ka sa Lungsod ng Hiroshima, sulit na bumisita at tuklasin ang kakaibang ganda ng Sera at ang masarap na pagkain ng Prepektura ng Hiroshima.