Kumpletong Gabay sa Timog ng Guam: Talofofo Falls Park

Matatagpuan sa timog ng Guam, ang Talofofo Falls ang pinakamalaki at isa sa pinakamagagandang talon sa isla. Napapaligiran ng luntiang kagubatan, ang kahanga-hangang tanawin na ito ay tirahan ng iba’t ibang uri ng halaman at hayop, kaya’t perpektong destinasyon para sa mga mahilig sa kalikasan. Sa loob ng parke, maaari ring bisitahin ang makasaysayang lugar kung saan nanirahan nang palihim si Shoichi Yokoi, isang dating sundalong Hapon na hindi nakaka alam na tapos na ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa loob ng 28 taon. Nag-aalok ang Talofofo Falls Park ng iba’t ibang atraksyon at aktibidad—mula sa magagandang tanawin hanggang sa makasaysayang karanasan—na siguradong magugustuhan ng mga biyahero. Narito ang ilan sa mga inirerekomendang lugar at gawain sa Talofofo Falls!

Itago ang Talaan ng Nilalaman

Kumpletong Gabay sa Timog ng Guam: Talofofo Falls Park

1. Talofofo Falls

Matatagpuan sa loob ng Talofofo Falls Resort Park, ang kahanga-hangang Talofofo Falls ang pangunahing atraksyon ng lugar. Upang makarating sa pasukan ng talon, sasakay ka muna sa monorail na magbibigay ng kamangha-manghang tanawin ng luntiang paligid. Ang talon ay may tatlong bahagi, kung saan ang pinakamalaki ay may taas na humigit-kumulang 9 metro at malapad ang agos. Maaaring maglaro sa tubig sa bahagi ng lawa sa ibaba, ngunit tandaan na walang hiwalay na silid-palit—CR lamang ang maaaring gamitin para magbihis. Ipinagbabawal ang pagtalon mula sa talon para sa kaligtasan ng lahat.
Mula sa monorail, makikita mo ang kahanga-hangang tanawin ng umaagos na tubig mula sa itaas. Sa pagbaba, sasalubungin ka ng makapal na kagubatan. Mayroon ding hanging bridge kung saan matatanaw ang buong kagandahan ng talon. Pagkatapos tumawid, maaari mong bisitahin ang tindahan na nagbebenta ng mga kakaibang pasalubong na magpapaalala sa iyong pag bisita.

2. Guam History Museum

Malapit sa Talofofo Falls ay matatagpuan ang maliit ngunit makabuluhang Guam History Museum. Dito ipinapakita ang kasaysayan ng isla, mula sa pananakop ng Espanya, Amerika, at Hapon, hanggang sa patuloy na pakikisalamuha at pagkontrol sa mga katutubong Chamorro sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan. Ginagamit ng museo ang mga rebulto at eksibit upang buhayin ang mga kuwentong ito.
Bagaman kilala ang Guam bilang isang paboritong destinasyong bakasyunan, makikita sa Guam History Museum ang mas malalim na kasaysayan ng isla—isang lugar na sulit puntahan para sa mga manlalakbay na nais makilala ang kultura at pinagmulan ng lugar.

3. Amusement Park

Pagpasok pa lamang sa Talofofo Falls Park sa timog ng Guam, matatagpuan mo na ang isang nakakaaliw na amusement park para sa mga bata. Perpekto ito para sa mga pamilyang magkasamang naglalakbay, dahil tiyak na matutuwa ang mga bata sa samu’t saring laro at atraksyon. Nasa gitna ito ng luntiang gubat, na nagbibigay ng kakaibang ambiance at nostalgia na magugustuhan din ng mga matatanda.
Matapos ang iyong nature walk sa mga jungle trail, pwede kang magtungo rito upang magpahinga at namnamin ang malamig na hangin at kagandahan ng paligid. Isa itong perpektong destinasyon bilang unang hinto o panghuling bahagi ng iyong paglalakbay upang mas maging buo ang iyong karanasan sa Guam.

4. Yokoi Cave

Matapos mag-enjoy sa tanawin ng Talofofo Falls sa timog ng Guam gamit ang monorail, maaari kang tumawid sa isang hanging bridge at maglakad nang kaunti upang marating ang Yokoi Cave. Ito ay isang tumpak na replika ng tunay na lungga kung saan nanirahan nang palihim si Shoichi Yokoi, isang sundalong Hapon, sa loob ng 28 taon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig—hindi niya alam na tapos na ang giyera. Ang tunay na kweba ay matatagpuan sa malayong gubat at hindi mapupuntahan ng mga turista, kaya’t ang makikita rito ay pinakamalapit na karanasan upang masilayan ang kanyang kwento.
Sa loob ng Yokoi Cave, makikita kung paano nabuhay si Yokoi sa kabila ng matinding kalagayan. Gumamit siya ng kawayan bilang pader, at inayos ang sahig upang hindi direktang dumikit sa lupa. Para sa higaan, naglatag siya ng tuyong balat ng puting kawayan bilang kapalit ng kutson. Nakakamangha ang kanyang talino, tiyaga, at kakayahang mabuhay sa gitna ng kagubatan.

◎ Buod

Ang Talofofo Falls Park sa timog ng Guam ay hindi lang tungkol sa talon—narito rin ang mga atraksyon tulad ng maliit na amusement park, Guam Historical Museum, at ang kahanga-hangang Yokoi Cave. Maaaring puntahan gamit ang renta ng kotse o sumama sa mga tour bus, at maglaan ng isang buong araw para maglibot. May mga tindahan ng mga pasalubong at kainan sa paligid kaya’t maaari kang magpahinga at tikman ang lokal na pagkain. Kapag bumisita ka sa Guam, siguraduhing isama sa iyong itinerary ang Talofofo Falls Park para sa kasaysayan, kalikasan, at saya para sa buong pamilya.

Inirerekomenda para sa Iyo!

Oceania Mga inirerekomendang artikulo

Oceania Mga inirerekomendang artikulo