Wala na ang bansag na “Nakakainis na Pasyalan”! Tuklasin ang Ganda ng Harimaya Bridge sa Kochi, Tosa

B! LINE

Ang Harimaya Bridge ay isa sa mga kailangang puntahan sa pagbisita sa Kochi at kilala rin sa paglitaw nito sa tradisyunal na awit na “Yosakoi Bushi.” Bagamat tinatawag ng ilan na isang “nakakabigong atraksyon,” ang tulay na ito ay may mahalagang bahagi sa kasaysayan at kultura ng lungsod, at isa sa pinaka tampok na tanawin sa Kochi. Sa pahinang ito, ipakikilala ang tunay na kagandahan ng Harimaya Bridge, pati na ang mga dapat makita sa paligid at mga kapaki-pakinabang na impormasyon para sa mga turista. Inilakip din namin ang iskedyul ng galaw ng karakuri o mechanical clock upang makatulong sa iyong plano sa pagbisita.

Harimaya Bridge and the Yosakoi Bushi Folk Song (Harimaya Bridge at ang Awit ng Yosakoi Bushi)

Ang Harimaya Bridge ay isang makasaysayang tulay sa lungsod ng Kochi na naging inspirasyon ng pag-ibig sa sikat na kantang bayan na Yosakoi Bushi. Marami ang nakakakilala sa kilalang linya ng kanta: "Sa Harimaya Bridge ng Kochi sa Tosa, nakita kong bumili ng kanzashi ang isang monghe." Ang linyang ito ay sumasalamin sa isang bawal na pag-ibig, kaya’t lalo itong nagpapakilig sa mga bumibisita.
Bagama’t maliit at simpleng tulay lamang ito, at maaaring hindi kahanga-hanga sa unang tingin, ang Harimaya Bridge ay naging tanyag na destinasyon para sa mga naghahanap ng inspirasyon sa pag-ibig. Itinuturing itong "love power spot" dahil sa kwento ng pag-iibigan ng isang dalagang si Ouma at ng mongheng si Junshin mula sa templo ng Chikurinji — isang malungkot at makasaysayang romansa mula sa panahon ng Edo. Ang "kanzashi" o palamuting pambuhok na binili ng monghe sa kanta ay sagisag ng kanilang lihim na pagmamahalan.
Ngayon, ang Harimaya Bridge ay hindi lamang simpleng estruktura kundi isang lugar na pinupuntahan ng mga magkasintahan at mga nagnanais makatagpo ng pag-ibig. Muling damhin ang kwento ng isang bawal na pag-ibig ng lumang panahon sa isang lugar na puno ng damdamin sa puso ng Kochi.

Restored Harimaya Bridge and Waterway (Muling Itinayong Harimaya Bridge at Tubigang Dumadaloy)

Ang Harimaya Bridge sa Kochi ay madalas tawaging “nakakadismayang tanawin” dahil sa maliit nitong sukat, ngunit ang kasaysayan nito ay sadyang kapansin-pansin at mahalaga sa kultura ng lungsod. Ilang beses na itong itinayo muli sa paglipas ng panahon, at ang dating dumadaloy na tubig sa ilalim ng tulay ay inilibing na noon. Sa kasalukuyan, ang konkretong bersyon ng Harimaya Bridge ang ginagamit bilang daanan ng mga sasakyan.
Sa loob naman ng Harimaya Bridge Park, makikita ang maingat na muling pagtatayo ng orihinal na tulay na gawa sa kahoy at pininturahan ng makulay na pulang lacquer. Maging ang tubigang dating naroroon ay muling binuhay. Ipinapakita nito kung gaano pinapahalagahan ng mga taga-Kochi ang kasaysayan at kahalagahan ng Harimaya Bridge bilang bahagi ng kanilang pamana.
Ang tulay na makikita ngayon ay muling itinayo noong panahon ng Heisei at tapat sa orihinal na disenyo. Sa nakaraan, mayroon itong iba’t ibang anyo—isang tulay na bakal na bughaw noong panahon ng Meiji, at isang mas malaking tulay noong panahon ng Showa. Sa muling paglalagay ng tubig sa kanal, muling maririnig ang banayad na agos ng ilog mula sa panahon ng Edo. Para sa mga biyahero sa Kochi, ang Harimaya Bridge ay isang payapang paalala ng kasaysayan ng lungsod na sulit tuklasin.

Monumento ng Awit na “Paalam, Timog Tosa” sa Harimaya Bridge Park

Matatagpuan sa loob ng Harimaya Bridge Park sa lungsod ng Kochi ang monumento para sa tanyag na kantang Hapones na “Paalam, Timog Tosa”, na pinasikat ng kilalang mang-aawit na si Peggy Hayama. Ang monumentong ito ay itinayo sa pamamagitan ng isang kampanyang pangkawanggawa at inialay sa lungsod ng Kochi. Sa mismong araw ng pag-unveil, personal na naghandog ng isang kahanga-hangang pagtatanghal si Peggy Hayama sa harap ng monumento.
Ang kantang “Paalam, Timog Tosa” na isinulat at nilikha ni Eisaku Takemasa ay sinasabing nagsimulang awitin ng isang lokal na yunit ng hukbong lakad ng Japan habang nasa misyon sa kontinente. Sa kasalukuyan, ito ay itinuturing na isa sa mga minamahal na awitin ng mga taga-Kochi. Sa Harimaya Bridge Park, maaaring marinig ng mga bisita ang orihinal na boses ni Peggy Hayama mula sa monumento, habang pinagmamasdan ang nakaka aliw na monumento ng mag-inang balyena na pumapaspas ng tubig bilang bahagi ng palabas. Ang kanta ay tumutugtog kada oras mula 8:30 ng umaga hanggang 8:30 ng gabi, habang ang water performance ng mag-inang balyena ay nagaganap tuwing kalahating oras—isang kakaiba at makasining na karanasan para sa mga bumibisita sa kulturang yaman ng Kochi.

Harimaya Main Store

Ang Harimaya Main Store ay itinatag noong 1904 at higit 100 taon ng naglilingkod sa mga mamimili malapit sa kilalang Harimaya Bridge sa lungsod ng Kochi. Isa itong kilalang destinasyon para sa mga naghahanap ng de-kalidad at natatanging pasalubong mula sa Kochi at Shikoku. Sa kanilang tindahan, makikita ang malawak na koleksyon ng mga produkto gaya ng katutubong pagkain, matatamis na lokal na tsokolate at biskwit, pati na rin ang mga kagamitang yari sa kamay. Inirerekomenda rin ang mga produktong may temang Ryoma at ang tradisyunal na naruko na ginagamit sa Yosakoi Festival bilang natatanging alaala ng inyong pagbisita.
Sikat sa kanilang mga produkto ang orihinal na gawa ng Harimaya na “Shimanto Shrimp Senbei,” isang malutong at masarap na rice cracker na may lasa ng hipon mula sa Ilog Shimanto. Makakahanap din dito ng mga pana-panahong matatamis na pagkain at mga tsokolateng may temang Ryoma na patok bilang pasalubong. Bukod dito, mayroon ding mga lokal na bersyon ng paboritong Japanese snacks tulad ng Jagariko at Bakauke na tanging sa Shikoku lang mabibili. Kung nais mong sumunod sa alamat ng mongheng bumili ng kanzashi para sa minamahal, maaaring subukan mong bumili ng isang magandang kanzashi bilang kakaibang pasalubong.

Karakuri Clock sa Harimaya Bridge

Sa silangang bahagi ng Harimaya Bridge sa lungsod ng Kochi, matatagpuan ang isang napakagandang karakuri clock na naka-install sa gusaling pinaghihintuan ng mga tourist bus. Sa unang tingin ay parang ordinaryong orasan lamang ito, ngunit mula 9:00 AM hanggang 9:00 PM, ito ay gumagana kada isang oras at nagpapakita ng isang makulay na palabas na tumatagal ng 8 minuto. Sa gabi, ito ay pinapailawan at nagkakaroon ng kakaibang ganda kumpara sa itsura nito tuwing araw.
Kapag gumagana na ang karakuri clock, lumilitaw sa itaas ang miniature ng Kochi Castle na may gintong shachihoko, habang sa ibaba naman ay makikita ang mga mananayaw na may hawak na naruko habang sumasayaw sa saliw ng tradisyunal na Yosakoi. Sa kanan ay makikita ang matingkad na pulang replika ng Harimaya Bridge, habang sa kaliwa naman ay lumilitaw ang tanawin ng Katsurahama beach kasama ang estatwa ni Sakamoto Ryoma. Kapag tiningnan nang mabuti ang Harimaya Bridge sa orasan, makikita ang mga pigura nina Ouma at Junshin na muling ginaganap ang kanilang alamat ng pag-ibig.
Sa saliw ng Yosakoi Bushi, awit ng lungsod ng Kochi, at mga kantang pang panahon, ang marangyang karakuri clock na ito ay tunay na nagpapakita ng kagandahan ng Kochi. Sa pamamagitan ng makapangyarihang musika, detalyadong palabas, at mga kilalang tanawin, ito ay isa sa mga dapat mapanood ng mga bumibisita sa Kochi.

Tikman ang Sarap ng Pagkain sa Paligid ng Harimaya Bridge sa Kochi

Matatagpuan sa sentro ng Kochi City, ang Harimaya Bridge ay hindi lang isang makasaysayang pook pasyalan—ito rin ay napapalibutan ng isa sa mga pinakatanyag na lugar sa lungsod pagdating sa pagkain. Dito, puwedeng matikman ang iba’t ibang lokal na putahe gaya ng Tosa cuisine sa mga authentic na Japanese restaurant at kakaibang whale dishes na bahagi ng lokal na kultura. Mayroon ding mga komportableng café at sikat na kainan na pwedeng tambayan para sa masarap na lunch o food trip. Habang nililibot mo ang Harimaya Bridge, huwag palampasin ang pagkakataong lasapin ang mga natatanging pagkain ng Kochi para sa isang sulit na biyahe.