Hindi Lang Awa Odori! 6 Magagandang Pasyalan sa Lungsod ng Tokushima na Dapat Mong Bisitahin

Ang Lungsod ng Tokushima na matatagpuan sa Prepektura ng Tokushima ay kilala sa buong Japan dahil sa tanyag na “Awa Odori” dance festival. Dahil sa kasikatan nito, kadalasang ang mga kaganapang may kaugnayan sa Awa Odori ang napapansin. Ngunit higit pa rito ang tunay na kagandahan ng Lungsod ng Tokushima! Sa pagkakataong ito, pansamantala nating isasantabi ang Awa Odori upang ibida ang iba pang natatanging alindog ng lungsod. Sa Tokushima, tiyak na masisiyahan ka—mapa-romantikong date man ito o masayang bakasyon kasama ang pamilya. Mula sa magagandang tanawin at makasaysayang pasyalan hanggang sa mga lokal na pagkaing tunay na kakaiba, punô ng kasiyahan ang bawat sulok ng lungsod. Huwag palampasin ang pagkakataong tuklasin ang isang panibagong bahagi ng Japan—ang Tokushima na may kakaibang alok bukod sa kilalang kapistahan!

Itago ang Talaan ng Nilalaman

Hindi Lang Awa Odori! 6 Magagandang Pasyalan sa Lungsod ng Tokushima na Dapat Mong Bisitahin

1. Mount Bizan: Tanawin ng Kalikasan at Mas Matibay na Samahan sa Pamamagitan ng Love Lock

Matatagpuan malapit sa Tokushima Station at kilala bilang isa sa pinaka popular na tanawin sa lungsod, ang “Mount Bizan” ay itinuturing na simbolo ng Tokushima at maging tampok pa sa ilang pelikula. Bagama’t pansamantalang hindi pinapatakbo ang ropeway mula Enero 30 hanggang Pebrero 20, 2017 para sa regular na maintenance, patok pa rin ito sa mga nais marating agad ang tuktok. Para naman sa mga mas gustong mag-hiking, may iba’t ibang daan paakyat na puno ng tanawin. Sa pinaka tuktok ay matatagpuan ang “Bizan Park,” isang malawak na lugar kung saan maaaring maglaro at tumakbo ang mga bata, lalo na sa panahon ng pamumulaklak ng mga cherry blossom.
Mula sa observation deck, makikita ang buong lungsod, kaya’t ideyal itong destinasyon para sa mga magkasintahan. Mayroong libreng paradahan sa paligid ng Bizan Park kaya maaari kang mamasyal at magpakasaya sa tanawin nang hindi nagmamadali. Makikita rin ang mga padlock o love locks na iniwan ng mga magkasintahan o mag asawa sa bakod bilang simbolo ng kanilang pagmamahalan—isang napaka-romantikong tanawin. Kung may balak kang bumisita kasama ang mahal mo sa buhay, huwag mong kalimutang magdala ng sarili ninyong padlock!

2. Shinmachi Riverside Park & Shinmachi Boardwalk in Tokushima: Isang Eleganteng Weekend sa Lungsod ng Tubig

Damhin ang isang makabago at nakakarelaks na weekend sa Tokushima, isang lungsod na napili sa “Top 100 Water Cities” ng Japan, sa pamamagitan ng pagbisita sa mga tanyag nitong atraksyon sa tabing-ilog. Ang Shinmachi Riverside Park ay kilala sa artistikong disenyo at magagarbong ilaw sa gabi, na tunay na nagpapakita kung bakit tinagurian ang lungsod bilang “Water Capital.” Bukod sa pagiging pahingahan ng mga lokal, isa rin itong mainam na lugar para sa mga magkasintahan. Sa kabilang panig ng ilog, matatagpuan ang Shinmachi Boardwalk — isang magandang lakarin na puno ng tanawin. Tuwing Linggo, buhay na buhay ito sa mga makukulay na stall na may mga payong, na dinadayo ng maraming turista.
Hindi lang mga tindahan ng souvenir ang matatagpuan dito. Maraming kainan, café, at food truck ang bukas, kaya hindi nakakasawang mamalagi buong araw. Huwag palampasin ang “Tokushima Marché,” isang buwanang selebrasyon tuwing huling Linggo ng buwan, kung saan direktang binebenta ang mga lokal na gulay at prutas. Patok ito sa mga lokal at turista lalo na kapag kasabay ng parasol market.
Para sa mga madalas bumisita, subukan ang Hyotan Island Tour Boat — isang libreng river cruise na magpapakita ng panibagong anggulo ng lungsod mula sa tubig (sarado tuwing Bagong Taon). Para sa isang weekend na parang nasa isang banyagang lungsod sa tabing-dagat, siguraduhing isama sa itinerary mo ang lugar na ito sa Tokushima.

3. Tokushima Central Park: Isang Romantikong Pamamasyal habang Naglalakbay sa Kasaysayan

Kung mahilig ka sa kasaysayan ng Japan, hindi mo dapat palampasin ang Tokushima Central Park. Itinayo ito sa dating kinalalagyan ng Tokushima Castle, ang dating tirahan ng Tokushima Domain. Ngayon, ito ay isang mapayapang parke na paboritong tambayan ng mga lokal at bisita. Dating bahagi ng hardin ng pamilyang Hachisuka, nananatili pa rin sa loob ng parke ang magarang “Omote Goten Garden” ng dating Tokushima Castle, na kinilala bilang isang National Place of Scenic Beauty—patunay sa taglay nitong likas na ganda at kasaysayan.
Isa sa mga pinakatampok na tanawin sa parke ay ang "Washi no Mon" o "Eagle Gate", isang muling itinayong gate ng kastilyo na tila bumabalik sa nakaraan. Sa gabi, ito ay napapailawan, at lalong lumilitaw ang kanyang imaheng makapangyarihan—perpekto para sa mga mahilig sa makasaysayang paglalakbay.
Para sa mga nais pang lumalim ang kaalaman sa kasaysayan ng Tokushima, mainam ding bisitahin ang Tokushima Castle Museum. Bukod sa mga permanenteng eksibit tungkol sa Tokushima Domain at ang pamilyang Hachisuka, mayroon ding mga pansamantalang eksibit at mga kaganapang naaayon sa panahon. Huwag palampasin ang impormasyon tungkol sa kilalang "Awa Navy", kung saan malalaman mo ang matagal nang koneksyon ng Tokushima sa tubig—kaya ito’y tinaguriang “Lungsod ng Tubig.”

Dahil sa maraming tanim na bulaklak at maayos na pagkakalandscape, ang Tokushima Central Park ay perpekto para sa isang maaliwalas at romantikong lakad. Isa itong rekomendadong destinasyon para sa mga mag kasintahan at mga taong mahilig sa kasaysayan na nais tuklasin ang kultura ng Tokushima.

4. Tokushima Family Land: Perpektong Pasyalan para sa Buong Pamilya, Lalong-lalo na sa mga Bata!

Kapag naglalakbay sa rehiyon ng Shikoku, isa sa mga karaniwang alalahanin ay ang kakulangan ng mga pasyalan para sa mga bata. Ngunit sa Lungsod ng Tokushima, hindi mo na kailangang mag-alala — naroon ang Tokushima Family Land, isang amusement park na perpekto para sa buong pamilya, lalo na sa mga maliliit na bata.
Walang bayad ang pagpasok, at ang bawat ticket para sa rides ay nagsisimula sa halagang 300 yen lamang. Hindi mo kailangang madaliin ang oras para lang masulit ang entrance fee — maaari mong tamasahin ang lugar ayon sa iyong kaginhawahan. Tiyak na magugustuhan ng mga bata ang sikat na battery-operated na Anpanman car at iba’t ibang laruan na naghihintay sa kanila. Para naman sa mga may maliliit pang anak, mayroong indoor na "Kids Park Asoban De!" na ligtas para sa mga sanggol at perpekto sa mga araw na umuulan — tunay na ginhawa para sa mga inang abala sa pag-aalaga.
Isa pang dahilan kung bakit patok ang Tokushima Family Land ay dahil katabi nito ang Tokushima Zoo (510 yen ang entrance fee, ngunit libre para sa mga estudyanteng junior high school at pababa) at ang Tokushima Botanical Garden na libre rin ang pasok! Isang kumpletong destinasyon kung saan maaaring mag laro, matuto, at lumago ang mga bata — tunay na inirerekomenda para sa mga pamilyang naghahanap ng masayang pamamasyal. Huwag palampasin ang pagkakataong bumisita kasama ang buong pamilya!

5. Ipagmalaki ang Japanese Blue: Gumawa ng Sariling Aizome o Indigo Dye Art

Kung nag-iisip ka kung anong pasalubong ang pinakaakmang bilhin sa Lungsod ng Tokushima, subukan mo ang mga produktong “aizome” o indigo dye na kinikilalang Di-nahahawakang Pamanang Kultura ng lungsod. Sa Furusho Dyeing Studio, puwede kang makaranas ng mismong paggawa ng aizome sa halagang ¥1,000 pataas—isang natatanging karanasang makakagawa ka ng iisang piraso lang sa buong mundo.
Bagamat matatagpuan ang aizome sa iba't ibang panig ng Japan, ang gawa sa rehiyon ng Awa ay tinatawag na "hon-ai" at itinuturing na mas mataas ang kalidad kaysa sa "ji-ai" na galing sa ibang lugar. Ang tradisyunal na paraan ng paggawa nito ay hindi gumagamit ng kemikal, kaya ligtas kahit sa mga bata at mainam na pang-regalo na puno ng kahulugan at tradisyon.
Ngunit huwag isipin na ito'y simpleng organikong pangkulay lamang. Ang aizome ay may likas na katangian na panlaban sa mikrobyo at insekto, kaya inirerekomenda ito lalo na sa may sensitibong balat. Ang sining ng aizome na inaalagaan ni Ginoong Riichiro Furusho sa Furusho Dyeing Studio ay sumasalamin sa puso ng kulturang Hapones at sa lalim ng kanilang pamana. Masdan mismo ang kahanga-hangang bughaw at likhain ang iyong sariling obra na magdadala ng diwa ng tradisyong Hapon.

6. Tikman ang Sikat na Tokushima Ramen sa Inotani – Pambansang Paborito ng mga Lokal

Sa panahon ngayon, halos wala nang hindi nakakakilala sa Tokushima Ramen. Sa mismong Tokushima, karaniwan itong kinakain bilang ulam kasabay ng kanin, kaya’t medyo maliit ang karaniwang serving nito.
Ang Tokushima Ramen ay isang uri ng lokal na pagkain na hindi lamang masarap kundi madaling lapitan din para sa mga kababaihan. Kapansin-pansin na may tatlong pangunahing uri ito batay sa sabaw: puti (white), dilaw (yellow), at kayumanggi (brown). Ang bawat uri ay may natatanging karakter ng lasa, kaya't isa ito sa mga dahilan kung bakit patok at kaakit-akit ang Tokushima Ramen sa mga naghahanap ng iba’t ibang flavor experience.
Kung nais mong malasahan ang tunay na lasa ng Tokushima, subukang lagyan ito ng hilaw na itlog at kainin kasabay ng mainit na kanin—ito ang tradisyunal na paraan ng pagkain sa rehiyon. Ang sikat na kainan na Inotani Honten ay itinuturing na haligi ng Tokushima Ramen. Sa pamamagitan ng kanilang paglahok sa Ramen Museum sa Yokohama, naiangat nila ang Tokushima Ramen mula sa pagiging lokal na putahe patungong pambansang kilala.

◎ Tuklasin ang Ganda ng Lungsod ng Tokushima

Nadiskubre mo na ba ang mga nakatagong ganda ng Lungsod ng Tokushima na hindi mo pa alam noon?
Kung nais mo pang mas makilala ang Lungsod ng Tokushima habang ikaw ay naglalakbay, huwag kalimutang bumisita sa "Tokushima Travel Creation Network" na matatagpuan sa tapat ng JR Tokushima Station. Dito ay maaari kang humingi ng tulong sa pagpaplano ng biyahe, magrenta ng bisikleta, at kumuha ng iba’t ibang gabay at brochure para sa turismo. Para man ito sa isang pamilya, magkasintahan, o nag-iisa sa paglalakbay, tiyak na magiging sulit at masaya ang iyong pagbisita sa Lungsod ng Tokushima. Huwag palampasin ang pagkakataong tuklasin at maranasan ang lahat ng kagandahang hatid ng lugar na ito.

Inirerekomenda para sa Iyo!

Asya Mga inirerekomendang artikulo

Asya Mga inirerekomendang artikulo