Punô ng Ganda! 8 Rekomendadong Pasyalan sa Lungsod ng Atsugi

B! LINE

Matatagpuan sa mismong gitna ng Prepektura ng Kanagawa ang lungsod ng Atsugi—isang kahanga-hangang destinasyon na puno ng likas na ganda. Napapalibutan ito ng Ilog Sagami, isang pangunahing ilog sa Japan, at ng kabundukan ng Tanzawa kung saan matatagpuan ang tanyag na Bundok Ōyama. Dahil dito, tunay na mayaman sa kalikasan at kaakit-akit ang kapaligiran ng Atsugi. Sa kabila ng tahimik at berdeng paligid nito, moderno at maayos ang sistema ng transportasyon dito. Madaling makapunta mula Atsugi patungong sentro ng Tokyo at lungsod ng Nagoya, pati na rin sa mga rehiyong gaya ng Gunma, Saitama, Yamanashi, at Nagano, sa pamamagitan ng mga expressway at tren. Bukod pa rito, punong-puno ng magagandang pook-pasyalan ang Atsugi—kabilang na ang tanyag na Nanasawa Onsen na perpekto para sa pagpapahinga. Halina’t tuklasin ang mga pinakamahusay na atraksyong panturista sa Atsugi at damhin ang kakaibang kumbinasyon ng kagandahan ng kalikasan at kaginhawaan ng paglalakbay sa lungsod na ito sa Japan.

1. Nanasawa Forest Park

Ang Nanasawa Forest Park ay isang napakagandang destinasyon kung saan lubos mong mararanasan ang likas na ganda ng kalikasan sa lungsod ng Atsugi. Isa ito sa pinakamalalaking natural na parke sa buong Kanagawa Prefecture, na may lawak na humigit-kumulang 65 ektarya, at ipinagmamalaki ng lungsod ng Atsugi bilang isang paraisong pangkalikasan. Itinayo ito sa pamamagitan ng masusing pagsasaayos ng kabuuang satoyama, o tradisyonal na tanawin ng kanayunan sa Japan. Tamang-tama ito para sa mga nais mag-hiking sa loob ng gubat, lalo na sa kilalang "Kanto Fureai no Michi," at may malawak na lugar para sa barbecue kung saan pwedeng magtipon ang pamilya at mga kaibigan. Regular din ang pagdaraos ng mga aktibidad at karanasang may kaugnayan sa kalikasan tulad ng klase sa paggawa ng pottery, forest therapy, pagtugtog ng Alphorn, Nordic walking, at pag-oobserba ng kalikasan. Mainam na suriin muna ang iskedyul ng mga event bago bumisita upang masulit ang iyong paglalakbay. Malapit din ito sa kilalang Nanasawa Onsen, kaya't rekomendado ring magtampisaw sa mainit na bukal matapos ang isang araw ng paggalugad sa kalikasan.

2. Chōkoku-ji Temple (Hasedera)

Matatagpuan sa lungsod ng Atsugi sa Prepektura ng Kanagawa, ang Chōkoku-ji Temple—na kilala rin bilang Hasedera—ay isa sa mga iginagalang na templo sa Bandō Sanjūsankasho, ang 33 Kannon pilgrimage sites sa silangang bahagi ng Japan. Kilala rin ito bilang “Iiyama Kannon” at tanyag hindi lamang sa mga deboto kundi pati sa mga turista, lalo na tuwing tagsibol kung kailan namumulaklak ang mga cherry blossoms, ginagawa itong isang paboritong lugar para sa hanami o flower viewing. Sa likod ng templo ay matatagpuan ang Hakusan Forest Park ng Iiyama, kaya’t hindi lamang sa panahon ng tagsibol ito binibisita. Marami ring dumarayo upang mag-hiking, maglakad-lakad, at sabayan ito ng taimtim na pagdalaw sa makasaysayang templong ito. Napapalibutan ng luntiang kalikasan, tunay na nakapag papaluwag ng damdamin ang payapang tanawin at arkitektura ng templong para bang yumayakap sa bundok. Isa rin ito sa mga lugar na nagbibigay ng kapayapaan sa katawan at isipan. Bukod sa likas na ganda at espiritwal na kahalagahan, madali rin itong puntahan—mula Hon-Atsugi Station, sumakay lamang ng bus at bumaba sa Iiyama Kannon-mae (tinatayang 20 minuto), pagkatapos ay maglakad ng mga 10 minuto patungo sa templo.

3. Higashi Tanzawa Nanasawa Onsenkyo (Silangang Tanzawa Nanasawa Hot Spring Village)

Sa paanan ng bundok, makikita ang hanay ng mga onsen ryokan na may nakakaengganyong atmospera sa Higashi Tanzawa Nanasawa Onsenkyo—isang kilalang destinasyon para sa mga turista. Matatagpuan ito sa silangang bahagi ng bundok Ōyama, at madaling puntahan mula sa Hon-Atsugi Station sakay ng Kanachu Bus patungong Nanasawa o Hōsōji Onsen. Bumaba sa Nanasawa Onsen Iriguchi (mga 25 minuto), at maglakad ng mga 15 minuto patungo sa lugar. Marami sa mga onsen ryokan dito ang tumatanggap ng day-use bath kaya't kahit saglit ay mararamdaman mo na ang saya ng onsen trip sa loob lang ng Atsugi. Ang tubig sa Nanasawa Onsen ay kilala sa pagiging matapang na alkaline—nakakapagpalambot at nagpapakinis ng balat. Dahil sa likas nitong kapaligiran, kinikilala rin ito bilang isang “Forest Therapy Base” dahil sa husay nitong magbigay ginhawa sa katawan at isipan. Magpa-relaks sa Nanasawa Onsen at alisin ang pagod ng araw-araw.

4. Iiyama Onsenkyo (Iiyama Hot Spring Village)

Tinaguriang "tagong pahingahan ng Tokyo" noong una, ang Iiyama Onsenkyo ay nananatiling isang lugar na puno ng katahimikan at kaayusan. Sa kahabaan ng ilog Oyokawa, matatagpuan ang mga eleganteng onsen ryokan na tila bumabalik sa nakaraan. Tulad ng Nanasawa, ang mga mainit na bukal dito ay may matapang na alkaline na sinasabing napakaganda para sa balat. Malapit din ito sa Iiyama Hakusan Forest Park kaya’t perpektong destinasyon pagkatapos ng hiking o nature walk. Pagkatapos ng iyong lakad, magbabad sa mainit na tubig at hayaan ang pagod ay mapawi. Mula Hon-Atsugi Station, 25 minutong biyahe lang ito sa bus papuntang Iiyama Onsen Iriguchi—kaya’t swak din para sa mga day trip.

5. BOCCA Bokka Ranch

Ang BOCCA Bokka Ranch ay ang kauna-unahang bagong tatag na gatasang bukid sa loob ng lungsod ng Atsugi, at kilala bilang pinakamaliit na bukid sa buong Japan. Mayroon lamang itong dalawang Jersey na baka, ilang kambing, at ilang tupa, ngunit ang kanilang gatas, yogurt, at keso ay tunay na kakaiba at hindi maaaring malikha sa pamamagitan ng maramihang produksyon. Ang lasa ng kanilang mga produktong gawa sa gatas ay napaka-malasa at may kalidad na tiyak na magugustuhan ng mga mahilig sa produktong gatas. Bagama’t limitado ang dami, maaari itong bilhin direkta sa mismong bukid o sa JA Atsugi na pamilihan ng mga lokal na ani. Huwag palampasin ang pagkakataong bumisita sa bukid, makita ang mga cute na hayop, at tikman ang kanilang sariwa at masarap na produktong gatas.

6. Hana no Sato Iiyama

Ang Hana no Sato Iiyama ay isang tanyag at magandang destinasyon sa lungsod ng Atsugi na matatagpuan sa Iiyama. Dito, makikita ang malalawak na taniman ng bulaklak na nagbabago ayon sa panahon. Tuwing unang bahagi ng Mayo, namumukadkad ang mga poppy, habang sa unang bahagi ng Nobyembre naman ay sumasabog sa ganda ang mga Zaru-giku (isang uri ng chrysanthemum). Taon-taon, dinarayo ito ng mga turista at mga lokal upang saksihan ang mga makukulay na tanawin. Mayroon ding mga espesyal na kaganapan gaya ng pamimitas ng bulaklak at pagkuha ng larawan gamit ang drone mula sa itaas ng taniman. Maaaring makarating dito mula sa hilagang labasan ng Hon-Atsugi Station sa pamamagitan ng bus patungong “Kami-Iiyama” o “Miyagase,” na tumatagal ng humigit-kumulang 30 minuto. Napakalapit din nito sa Iiyama Onsen, kaya mainam itong pagsamahin sa pagpapahinga sa mainit na bukal.

7. Tree Cross Adventure

Para sa mga nais magpakasaya at mag-ehersisyo sa luntiang kagubatan ng Atsugi, ang Tree Cross Adventure ang tamang lugar para sa’yo. Ito ay isang forest adventure park na nagmula pa sa France, at nagbibigay ng kakaibang karanasan sa gitna ng kalikasan. Isa sa mga tampok nito ay ang zip line na parang si Tarzan kang lilipad sa pagitan ng mga punong-kahoy—isang masayang karanasang puno ng sigla at hangin ng kalikasan. Ang atraksyong ito ay bukas para sa mga batang nasa ika-apat na baitang pataas o may taas na hindi bababa sa 140 cm, at may timbang na hindi hihigit sa 130 kilo. Ibig sabihin, parehong bata at matanda ay makakabahagi sa kasiyahan. Tinatayang dalawang oras ang itinatagal ng buong karanasan—tamang-tama para sa isang puno ng enerhiyang aktibidad. Bago simulan ang adventure, mayroong maayos at kumpletong safety lecture kaya makasisiguro kang ligtas ang lahat habang nag-eenjoy. Matatagpuan ito sa tabi ng Nanasawa Onsen, kaya pagkatapos mag pawis sa adventure ay pwede kang magpahinga at mag-relax sa mainit na bukal.

8. Koganei Shuzo Co., Ltd.

Itinatag noong Taong Bunsei 1 (1818), ang Koganei Shuzo Co., Ltd. ay isa sa mga pinakamatagal at kilalang brewery ng sake sa Atsugi, na may higit sa 200 taon ng kasaysayan. Gumagawa ito ng iba’t ibang uri ng inuming may alkohol, kabilang ang kilalang lokal na sake na “Sakari Masu, craft beer na “Sagami Beer”, pati na rin shochu at mga likor.
Kung kayo ay anim (6) katao o higit pa, maaari kayong magpareserba para sa libreng sake brewery tour—isang perpektong aktibidad para sa mga turista o mahilig sa sake. Mula sa Odakyu Hon-Atsugi Station, Aikou-Ishida Station, o Isehara Station, maaaring makarating dito sa loob ng 20 minutong byahe sa bus.
Kung bibisita ka sa Atsugi, huwag palampasin ang pagkakataong tikman ang tunay na lokal na sake na ginawa mismo sa lugar. Isa rin itong mainam na pasalubong para sa mga mahal sa buhay!

◎ Buod

Ipinakilala namin ang ilan sa mga pinakamagandang pwedeng bisitahin sa Atsugi, tulad ng mga onsen resort gaya ng Nanasawa Onsen, na napapaligiran ng mga bundok at ilog. Ang Atsugi ay tunay na mayaman sa kalikasan at puno ng mga natatanging tanawin at atraksyon. Madali rin itong puntahan mula sa Tokyo o Nagoya, kaya perpekto para sa weekend getaway o nature trip.
Maari kang mag-relaks sa mga onsen, mag-adventure sa Cross Tree, o magpalipas ng gabi sa isang tradisyunal na ryokan. Anuman ang iyong trip, siguradong mag-eenjoy ka sa paglalakbay sa Atsugi!